September 25, 2012

HALAW KAY MA. LORENA BARROS 
(Mula sa They Dwell In Yellow Quiet) 

Dilaw ang kulay ng katahimikan
sa tahanan ng mga pobre.
Ang kanilang gasera 
ay gawa sa basyong bote, 
pinasakan ng basahan 
at nakapuwesto ngayon
kung saan katamtaman 
ang timpla 
ng liwanag at dilim.

Dilaw na katahimikan 
ang dala ng gabi 
sa tahanan ng mga pobre.
Walang maririnig
ni katiting na ingit 
mula sa mga bata
kahit pa madiin ang suntok
ng dilim sa sulok
kung saan sila 
madalas nakaumpok -- 
maliban na lamang
sa harap ng dulang 
at pare-pareho silang nagtatalo
kung para kanino
ang kakapiranggot na ulam. 
'Pag ganito, kumikinang 
ang mga matang luhaan
sa liwanag 
na dilaw ang kulay, bagay 
kung kaya di naglulubay
sa pagsaway ang matatanda 
hanggang magpanumbalik
ang bawat isa 
sa kani-kanilang 
tahimik na pagnguya. 

Magaan kung humakbang
ang mga paang tumatawid
sa patse-patseng sahig
sa tahanan ng mga pobre. 
Walang impit
na galit, o dabog
na maririnig
kahit matagal nang hukot 
ang mga balikat
at halos pumutok 
ang ugat 
sa mukha at palad 
kapwa ng bata 
at medyo may-edad. Sa gabi, 
isinasara nang maigi
ang bintana
sa tahanan ng mga pobre.
Gayunman, di nila kailangan
ang bakal na rehas
upang tiyaking hanggang 
doon lamang sa labas
ang mas lalo pang pobre.















No comments:

Post a Comment