LIHAM NI LORY PARA SA MGA KASAMA
VIRGIE, INE, CHENG at Tambourine Man
VIRGIE, INE, CHENG at Tambourine Man
c/o CHARY LINE VIA GUIA
17 Enero 1976
Mga kasama,
Bagamat medyo huli na, maalab na pagbati sa ika-7 aniversaryo ng ating Partido. Dumating ang inyong mga sulat bago mag-Pasko at tunay na nakapagdagdag ito sa diwa ng pagdiriwang. Kay sayang makarinig mula sa mga napalayong kasama! Hindi kami nakapagpadala ng sagot noong huling lakad ng kom pagkat nagipit sa panahon. Sa panig ko, pawang mga opisyal na sulat at ulat lang ang nakaya kong tapusin. Kaya nga’t para sa ulat na ito’y sinamantala ko ang madaling araw. Totoong napakabigat ng iskedyul namin lalo na ngayon.
Ang sonang gerilya na kinapapalooban ko ay nasa panahon na naman ng pamamasok ng kaaway. Patapos na ang tag-ulan at muli na naman nilang matatawid ang mga ilog at dagat. Napakahalagang maihanda ang Partido, hukbo at masa upang ito’y makapanatili ng sarili at huwag madurog ng kaaway. Malaki ang pagkahawig ng sonang ito sa mga sona sa CL. Relatibong malapit sa malalaking sentro at linya ng komunikasyon, malaki ang taya ng mga naghaharing uri at dayuhang kapitalista, bagamat bulubundukin at may ilang bahaging prontera. Noong nakaraang taon, laban sa ating dadalawang iskuwad gerilya na halos pawang single-shot ang mga baril, nagbuhos ang kaaway ng isang batalyong PC-PA tropa. Ang layunin ng operasyon ay “inisin sa duyan” ang rebolusyonaryong kilusan dito; alam ng kaaway na maliit at mahina pa ang ating puwersa.
Bagamat 5 kasamang kadre at mandirigma ang napatay sa operasyon at 2 namumunong kadre ang nadakip bukod sa mahigit isandaang masa na dinakip o binugbog bigo ang kaaway, nananatiling buo ang ating hanay at matatag tayong maling nagbangon. Sabi nga, muli tayong tumayo, magpahid ng dugo’t malibing ang mga kasamang nasawi at mahigpit na humawak ng sandata upang muling humarap sa kaaway.
Nitong mga huling buwan, ang organisasyon ng Partido sa sona ay naglagom ng karanasan upang makita ang naging mga kahusayan at kahinaan sa nakaraang pagkilos. Marubdob na nag-aral ang buong kasapian sa mga ginanap na komperensyang pangteorya. Naging malinaw sa mga kasama ang mga katangian ng sona at kung paano sa nakaraang pagkilos ay naging hiwalay sa kongkretong kalagayan ang naitakda at naisagawang programa. Pangunahing tendensya ang bahid ng dogmatismo at “kaliwang paglihis”, naging labis ang pagtaya sa sariling puwersa at lubhang matayog ang mga ambisyon. Sa kaparaanan ng pagwawasto, lalong napalalim ang pag-unawa ng buong kasapian sa digmaang bayan at maraming natutuhan hinggil sa paglapat ng MLMTT (Marksismo-Leninismo-Kaisipang MaoTsetung) sa mga aktwal na kalagayan. Sa ngayon, natapos na ang malaking bahagi ng pagwawasto at panloob na konsolidasyon; nasa yugto na ng pagbigay ng pangunahing diin sa pampulitikang Gawain. Makailang ulit na mas handa ang ating subhetibong puwersa sa pagharap sa panibagong pananalakay ng kaaway. Kung maiiwasan ang naging mga kamalian sa nakaraan, di magtatagal at malalagay na tayo sa kalagayang makapaglulunsad ng taktikal na pananalakay sa kaaway.
Sa gitna ng ganitong kalagayan, marahil mauunawaan ninyo kung bakit medyo nadiskaril ako sa ilang mga nakuhang impresyon mula sa inyong mga sulat. Lubog na lubog ako sa kalagayan ng digmaan at medyo nagitla ako sa nakitang kalagayan ng ilang mga kasama – na wala sa digmaan o parang wala sa digmaan. Ngunit sa panahong namagitan mula noong una kong mabasa ang inyong mga sulat at ngayon, napag-isipan ko na ito ng mas malalim at nakikita kong maging ang mga kasamang sa wari’y wala sa digmaan ay nakapaloob ito at di mahihiwalay na bahagi nito. Halimbawa na lang, di ba’t halos pawang nabilanggo na tayo? Naging POWs (Prisoners of War)? At ngayon ang iba sa atin ay nakabalik sa pangunahing agos samantalang ang iba’y naging DPs (displaced persons o water lilies sa terminolohiya ng lungsod). May ilan ding pansamantalang nahiwalay, hindi dahil sa pagkabilanggo kundi dahil sa ibang pangyayari tulad ng dislokasyon sa organisasyon ng Partido na dulot rin ng digmaan. Lahat tayo ay nasa digmaan pati na ang mga walang kamuwang-muwang tulad ng mga sanggol at taong di mulat. Ito ang ating obhetibong kalagayan. Nagkakaroon lamang ng kaibahan sa antas ng mga may kamalayang kapasiyahan na pumaloob sa digmaan at maging bahagi ng puwersang nagtatakda ng direksyon nito at tagumpay. Maari tayong dalhin na lang ng agos ng rebolusyon. At maari tayong siyang maging motibong puwersa nito, bahagi ng talibang organisasyon. Ngunit ito’y sa kasalukuyang yugto lang ng digmaan. Sa pag-unlad nito, tayong may kamalayan at karanasan na pipilitin at pipilitin ng kalagayang manguna sa rebolusyonaryong agos o sumalungat rito. Ito ang sinasabing “burden of awareness”. Hindi na natin maisasara ang mata ng diwang namulat na. Pansamantala, maaring mahilom ito, mapuwing. Subalit kamatayan na lang ang makapagpipikit. Kayat mulat tayong mananangan ng sandata para sa sambayanan o para sa mga mapagsamantala’t mapang-api, alin lang sa dalawa.
Tulad ng sabi ni Kasamang Virgie, “we believe in you like hell.” Bagamat naipamukha na sa atin ng mga katulad ni Ramon na may ilang magtataksik sa rebolusyon mula sa kaloob-loobang hanay natin, hindi nasira ang tiwala ko sa nakararaming kasama. Buo ang pananalig ko na habang nakikitunggali tayo sa sarili ay magagapi ang anumang multo’t halimaw tulad ng pesimismo at pagpapabaya sa rebolusyonaryong tungkulin. Napakagandang senyales, sa wari ko, ang nasasalaming “self consciousness” sa inyong pagtaya sa sarili, ang kawalang pagkukunwari at walang kurap na pagtingin sa katotohanan. Bagamat nababalot sa madidilim na salita, ito’y may hugis ng pag-asa. Kundi’y hindi na marahil kayon mag-aabalang sumulat sa amin.
Paano ko kaya maipahihiwatig kung paano lalung tumining sa isipan ko at damdamin ang kahulugan ng katagang “kasama” nang mabasa ko ang inyong liham? Tunay na nagkakalayo tayo sa pisikal na distansya at kinapapaloobang kapaligiran – ibang iba ang ating mga kalagayan – subalit naroon at di maipagkakamali ang init ng halik at yakap, ang marubdob na pagmamahalan na isinilang at binubuhay ng rebolusyon. Sabi nga ni Kasamang Cheng, alam na natin ang tibok ng bawat isa – hindi man ito lubusang nagkakasabay.
Sana ay maunawaan niyo kung iisang sulat lang ang magawa ko sa ngayon para sa inyong lahat. May mga partikulat akong karanasan at kaisipan na nais ibahagi sa mga particular na kasama subalit kailangang mamili ako sa isang sulat o wala muna. Ayaw ko namang magpadala ng maraming sulat na pawang telegram. Huwag niyo naman sana ako gantihan ng isang “joint letter” din! Nais kong maging mas malalim ang pang-unawa sa inyong buhay. Napakarami ring nais kong mabalitaan hinggil sa lungsod, sa mga isyu na mainit ngayon, sa kalagayang pangkultura, sa mga masalimuot na maniobrahan sa hanay ng mga reaksyonaryo, pag-unlad ng pandaigdigang kalagayan atbp atbp atbp. Napakahalaga sa amin rito na bihirang makabasa ng pahayagan o makapakinig ng radio, ng inyong buhay na pagsusuri sa pambansa at pandaigdigang mga pangyayari, kundi’y magiging napakakitid ng aming kamalayan – at ito’y maaring magbunga ng subhetismo o lokalismo. Tiyak na maraming bagay na “taken for granted” na ninyo subalit bago sa amin (at siempre vice, versa). Huwag tayong manghinawa o tamarin na sumulat sa isa’t isa. Mali ang sabi ni Kasamang Ine na di siya maaring maging ka-koresponsal ng mga tulad naming nasa kanayunan. Marami kayong alam na di namin alam. At hindi kami interesado sa mga magagandang balita lamang. Ang lahat, pati kapaitan at kasakitan ng isa’t isa, ay makabuluhan sa ating pag-aaral hinggil sa kabuuan ng buhay ng tao sa daigdig, at sa paglikha natin ng tunay na makataong lipunan.
Kaya, sa madaling salita, SUMULAT KAYO NG MAS MAHABA, hane?
Bukod sa pagsulat, nais sana naming hilingin ang inyong patuloy na pagtulong sa pag-solicit ng mga pangangailangan dito. Maraming maliliit ngunit mahalagang mga bagay na maari niyong ipadala, tulad ng medyas, bonnets, kumot, panlamig, ballpens, notebooks, notepads, scissors, nailcutters, needles and thread, paper clips and fasteners, business envelopes, manila envelopes, large and small plastic bags, flashlights, batteries, jungle knives, medicines, pagkaing naitatabi o naiimbak tulad ng de lata at daing at mga instant foods gaya ng Royco soups, vetsin, pantalon at t-shirt na dark colored at madaling matuyo, mga sako, raincoats, toothbrushes, toothpaste, sabon atbp atbp. Kung magagawa niyong magsolicit kahit small amounts nito at tipunin bago ipadala rito, napakalaking tulong talaga.
May particular na pangangailangan rin dito ngayon ng tutulong ng research hinggil sa mga vested interests dito. Maari ba kayong tumulong?
At lalo’t higit, may malaking pangangailangan para sa mga kasamang gaganap sa gawaing liyason. Sino kaya sa inyo ang puwede? Kakailanganing mag-commute sa lalawigan mga dalawang beses sa isang buwan, magsagawa ng alliance work at pumasok sandali sa sona upang makapanayam ng lubos hinggil sa gawain. Ano ang inyong palagay? Sabik naming hihintayin ang application forms.
Lampas 8:00 a.m. na at dumating ngayon lang ang mga kasama sa hukbo. Pawang pagod sila mula sa mahabang lakad at mabigat na pasanin, ngunit masisigla at maraming kuwento. Marami na muling gagawin kung kaya’t kailangang putulin na ito. Ang dalang balita ng mga kasama ay may nakatakdang pulong ngayon sa isang baryo na kalapit dito, pupulungin ng mga PC (Philippine Constabulary) ang masa pagkat sosonahin raw itong lugar. Malamang na sisimulan na muli ang konsentrasyon ng masa sa mga sentro ng baryo bilang paghahanda sa operasyon.
Sige, talagang kailangan nang tumigil.
MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT!
Sa tagumpay,
Ka Luz
PS Pagsulat niyo, ilagay niyo sa labas ng sulat, LUZ c/o HOLLAND. Ito ang aming PO Box no. Sa mga packages, ganito rin ang address tapos markahan niyo ng “PERSONAL” at itala sa labas kung anu-ano ang nilalaman. Ok ba?
No comments:
Post a Comment