September 23, 2012


LORENA – BALIK TANAW SA ISANG KAIBIGAN, KASAMA
Rolando Peña
Noong unang mga taon ng martial law na nagbunsod ng kilabot sa buong bansa, lagi akong sabik na matunghayan ang dyaryo para malaman kung may nangyari ba sa mga kaibigan at kasamahan na aktibong kumikilos laban sa makinaryang pandigma at panunupil ng diktadura.  Minamabuti  ko na rin kung walang balita, iniisip ko na lang na ligtas sila.  Nang ako’y nabinbin sa ibang bayan, nag-ibayo ang pananabik ko na makabalita sa mga nangyayari sa Pilipinas, at inaasam-asam ko ang pagdating ng dyaryo at magasin kahit medyo bilasa na ang mga balita dito.  Laking gulat, pighati at panghihinayang ko nang mabasa sa Far Eastern Economic Review na nagbuwis ng buhay si Laurie sa isang engkwentro sa Quezon.  Natagpuan sa isang bulsa niya ang isang tula.

                Yesterday I had a talk
                with an old man
                who had your eyes –
                The same laughing squint
                hiding a watchfulness
                that catches even hints
                of rainbows
                He spoke to me of patience
                in his voice a whole season...
                you have endured
      the first minute
      of your own dark season –
     Ah, I can bear to think of it
     only when I can see you smile!
     comrade, dear friend
     teach me how not to flinch
     through mine.
               
Nakilala ko si Laurie bilang makata noong siya’y estudyante pa sa Anthropology sa UP.  Aktibo siya noon sa kilusan laban sa pandirigma ng US sa Vietnam, kasama  ng mga kaibigan niyang makata at alagad ng sining.  Naging kaibigan ko siya at nakabarkada ko rin ang barkada niya, kabilang na ang iba pang kaklase niya sa Anthropology.  Mahigpit ang kanyang ina na ang gusto’y magtuon siya sa pag-aaral at hindi pumalaot sa walang katuturang aktibidad.  Madalas hinahatid namin si Laurie sa tirahan nila sa isang pinto ng apartment sa dulo ng 15th Avenue sa Cubao, at sa mga pagkakataong  iyon ay doon na rin kami naghahapunan at paminsan minsan ay nakikipagdebate sa kanyang tiyuhin, si Aling, na napaka isrikto at may pagka-konserbatibo.  Dahil may trabaho na ako noon at mukhang responsable , pumapayag ang kanyang ina na magpagabi si Laurie kung ako at/o si Jerry Araos ang kasama o kaya kung may lakad sa Sabado o Linggo.  Kung minsan ginagabi siya ng uwi sa pagdalo sa mga konsyerto o dula at dinadayo pa namin noon ang Cultural Center, o kaya’y napapasarap ang kuwentuhan – diskusyon tungkol sa panitikan, pilosopiya. pulitika at kung anu-ano pa.

Parang bahagi na rin ako ng pamilya ni Laurie.  Dahil nakatira ako sa isang mataas na apartment sa Albany, na malapit lang sa kanila, doon na rin ako pinag-aalmusal ng kanyang ina.  May panahon ding pinupuntahan din ako ni Laurie para magpatulong sa term paper niya sa Anthropology at sinusundo siya sa gabi ng kanyang ina at tiyuhin.  Minsan naman ay dinayo ako ng buong pamilya para pakainin sila ng spaghetti dahil naipagmalaki ko na masarap ako magluto nito.  Noong katapusan ng 1969, sa Albany namin sinalubong ang Bagong Taon, kasama ang mga kaibigan.  Kinaumagahan, doon kami nag-almusal sa bahay ni Laurie at namangha ang kanyang ina dahil parang dinaanan ng mga sundalo ang handa niya, sa isang iglap ay halos naubos.

Noong 1970, naging higit na aktibo si Laurie sa kilusang protesta, una sa SDK at pagkaraan sa MAKIBAKA, lalo nang matapos siya sa pag-aaral.  Magkatabi kami sa rali noong Mayo 1 sa lumang Kongreso at nang nagsimulang magpaputok ang mga sundalo mula sa moog ng Intramuros ay magkahawak kaming umiwas, tumakbo sa direksyon ng Rizal Park. (Dito nasawi si Liza Balando at iba pang manggagawa).  Minsan naman, pagkatapos ng isang rali, nagtungo si Laurie at ibang akitibista ng MAKIBAKA sa lugar ng US Tobacco Corporation na pinagwewelgahan ng mga aktibistang manggagawa.  Dala pa ni Laurie noon ang kanilang istrimer at pilit silang pinapalis ng mga Metrocom subalit hindi sila natinag sa kanilang puwesto na hawak-hawak ang kanilang istrimer.

Sa kabila ng kanyang aktibidad kaugnay ng namumuno niyang papel sa kilusang protesta, hindi niya nalilimutan ang kanyang ina.  Minsan pinag-usapan namin na magandang proyekto ang pagtanghal ng dula ni Bertolt Crecht na “Mother” na batay sa nobela ni Maxim Gorky.  Hinggil ito sa ina ng aktibista na tutol sa pagkakasangkot ng anak sa kilusang rebolusyonaryo, hanggang sa wakas ay nakumbinse ang ina sa kawastuan ng kilusang ito at lumahok na rin siya dito.  Isinalin namin ito kasama si Mike (na ngayo’y kilalang katuwang na director ng pelikula sa ngalang Lore).  Ang problema sa pagsalin ay hindi namin alam ang himig ng mga kanta, pero isinalin na rin namin at pinalapatan ng himig sa kaibigan sa musika.  Kabilang dito ang awit na “Magsimula ng Pag-aaral,” “Papuri sa Sosyalismo” at iba pang awit na kasama sa mga kinanta sa palabas na “Barikada”.

Tunay na alagad ng sining si Laurie, patuloy siyang nagsusulat ng mga tula, nagbabasa ng mga katha, dumadalo ng mga konsyerto o nanonood ng mga palabas na nababalitang maganda.  Dumadayo pa kami ng Maynila noon mula sa Diliman para manood ng sine.  Halimbawa, matapos ng isang rali sa UP (welga ng mga istudyante), tumungo kami ng Quiapo para panoorin ang “The Assassination of Jean-Paul Marat as Performed by the Inmates of Charenton and Directed by the Marquis de Sade.”

May panahong hindi kami nagkita ni Laurie: nagtungo siya sa Isabela at doon sila nagkakilala ni Felix, na naging kabiyak niya.  Sa kasamaang palad, hindi nagtagal ay nagbuwis ng buhay si Felix para mailigtas ang ibang mga kasama.  Naibalita kay Laurie ang pagkamatay ni Felix noong Kongreso ng Movement for a Democratic Philippines (MDP).  Nang makita ko siya sa himpilan ng SDK-Mendiola sa may Pedro Gil, nakaupo siya sa isang sulok, tahimik na iniinda ang kasawian o kaya naman inaalala ang mga sandali nila ni Felix.  Wala akong masabi sa kanya sa mga sandaling iyon, bagamat nariyan ang mga katagang pampalubag-loob na bukang bibig ng mga aktibista sa ganitong pagkakataon.  Niyakap ko na lang siya at iniwan ko siya roon, bagamat ipinahiwatig ko na nariyan lang ako kung may kailangan siya sa akin.

Paglaon ay tinanggap na rin niya ang matagal nang nanunuyong si Ramon.  Nagtungo sila sa larangan subalit mayroon din silang himpilan sa bandang Marikina.  Kapag nagagawi si Laurie dito ay nagkikita kami, nagkukuwentuhan.  Kung may magandang palabas at kung may panahon siya, nanonood kami ng sine sa Cubao, kahit nasumbatan na siya ni Ramon hinggil ditto.  Sinabi naman niya na ako’y mapagkakatiwalaang kaibigan at kasama at hindi siya dapat mag-alala.

Nang isuspindi ang Writ of Habeas Corpus noong Agosto 1971, nilisan ko ang aking tirahan sa Albany bilang pag-iwas sa anumang masamang maaring mangyari.  Sinulatan ako ni Laurie muli sa aking kinalalagyan para isama sa kanyang pinamumunuang grupo na naghahanda ng kumperensya sa propaganda, na kabilang ang panunuri sa panitikan at sining sa konteksto ng kilusang protesta at rebolusyonaryong agos.  Nagkasama-sama kami sa isang bahay sa San Juan, kasama si Pete, Boni at istap ng mga Tagasalin, kayat walang tigil ang takatak ng dalawang makinilya.  Dumadating din dito ang ilang miyembro ng PAKSA na katulong namin sa paghahanda ng materyales para sa Kumperensiya.  Kapag medyo libre kami ay nanonood kami ng sine o dula. Naglalakad lang nga kami kung minsan hanggang Greenhills para manood ng sine.  Noong binyag ng anak ni Pete na dinaluhan naming lahat, pinanood din namin ang “Asedillo” sa Cubao. At minsan, sama-sama kaming magkasambahay na nanood ng produksyon ng PETA na “Ang Butihing Babae ng Sichuan” dula ni Brecht na isinalin sa Pilipino.
Hindi pa kami nagtatagal sa San Juan ay nabulabog kami nang hulihin si Gary, na dumadalo sa mga pulong sa aming tirahan.  Kaya’t dali-dali kaming naghanap ng malilipatan at maski gabi ay lumipat kami sa isang bahay sa Mandaluyong.  Kung minsan ay dumadating dito ang kanyang ina, na lumahok na rin sa kilusang lihim bilang kuryer.  Nang panahong iyon, lumahok na rin sa kilusan ang kanyang pinsan na si Chilet at si Malou na kaklase niya noon sa anthropology.  Sa mga libreng oras ay nagkukuwentuhan kami at nagtatalakyan hinggil sa maraming bagay.  Kung minsan ay dumadating dito si Eugene Gray at lalong nagiging buhay ang aming usapan.  Naitanong minsan ng kasama namin sa bahay na si Karina kung ano ang mga pinag-uusapan namin at parang hindi kami nauubusan.  Pero ibang tao talaga si Laurie, hindi lang siya isang matatag na rebolusyonaryo, isa rin siyang makata at siyentipiko, at bukod dito ay marami din siyang alam sa pilosopiya kayat hindi lang napapako sa isang paksa o bagay ang kanyang mga interes.  Gayunman, alam niya ang kanyang prioridad at matatag ang kanyang paninindigan sa mga simulain ng rebolusyon.

Matagumpay na naidaos ang aming kumperensya at hindi na kami nagkita pang muli, bagamat may mga pagkakataon na nababalitaan ko siya. 
Minsan nagpadala siya sa akin ng sulat, kasama ng dalawang libro.  Kasama ito sa mga naiwan kong libro na ang iba ay nauwi sa pangagalaga niya.  Sinabi niya sa sulat na alam niyang paborito ko ang mga ito, hindi ko na kailangang hanap hanapin ang mga ito sa panahong gusto kong makapagbasa ng mga makakatas na kataga na may iba’t ibang lasa.  Ito’y katipunan ng mga tula ni Federico Garcia Lorca at mga tulang Europeo.  Sa pagdaan ng panahon, nawala na rin ang mga ito, ngunit naghanap at nagpahanap ako ng libro ni Lorca hindi katagalan pagkaraang mabalitaan ko na siya ay nagbuwis ng buhay.  Pinalad naman ang isang kaibigan na umuwi sa Amerika na nakatagpo ng sipi nito sa bahay ng kanyang ina (wala na raw sa mga tindahan ng libro).  Nasa akin pa ang siping ito hanggang ngayon, nag-uudyok sa akin na sariwain ang mga gunita kay Laurie sa tuwing bubuklatin ko ito.  

No comments:

Post a Comment