23 Hulyo 1973
Mahal kong ina at kasama -
Labis kong ikinalulungkot na hindi tayo nakapagpaalam nang harapan. Kay rami pa nating pag-uusapan! Subalit kailangang makasapat ang sulat na ito. Nais kong ipaabot sa iyo ang nilalaman ng ilang pahina mula sa aking notebook.
Ang una ay may petsang Mayo 21. Katatanggap ko pa lang ng isa mong liham:
“Pagkat ikaw lang ang magulang na kinagisnan ko, labis-labis ang pagmamahal ko sa iyo mula pa sa aking pagkabata. Subalit ang lahat ng taong minahal kita bilang magulang ay katumbas lang ng isang taong minahal kita bilang kasama. Kahit iilang pagkakataon lang tayo nagkita sa loob ng taong ito ay kay lapit ng ating kalooban sa isa’t isa. Totoong maraming sandaling nais kong makapiling ka, ihinga sa iyo ang lahat ng kalungkutang di ko maaring ipakita sa mga kasama pagkat dapat ay lagi tayong masigla. Subalit isipin ko lang na mauunawaan mo ako ng lubo ay gumagaan na ang aking loob. Mapalad ako sa pagkakaroon ng isang komunistang ina!
“Lagi kong naaalala ang iyong huling sulat. Nabanggit mo ang inyong paghihirap kung paano halos lamang-tiyan na lang ang kinakain ng aking mga maliliit na kapatid. Subalit wala ni anino ng pagkalunos sa iyong mga salita – parang malamig na tubig sa naghahapding sugat ang iyong sinabi: “ang pagsumikapan nating dalawa ay ang parating manatiling matatag at masigla lalo na sa harap ng ibang kasama”. Kay palad ko sa iyo, ina! Kahit minsan ay di ako nakarinig sa iyo ng panunumbat, gayong kung di ko inilaan ang aking buong buhay sa rebolusyon ay marahil di kayo maghihirap nang ganito. Naghahapdi ang aking kalooban tuwing maiisip kong nagugutom kayo ng aking mga kapatid. Lumalaki sila at kailangan nila ng masustansiyang pagkain. Masakit sa aking isiping wala akong tuwirang maitulong sa inyo. Inip na inip na akong makalabas at sumapi sa ating magiting na hukbo! Isulong ang digmaang bayan upang lalong mapabilis ang pagbagsak ng bulok na lipunan!
“Bago ko matanggap ang iyong sulat, kung anu-anong “multo’t halimaw” ang nasa isipan ko. Lagi akong malungkot, nangingibabaw sa akin ang dalamhati para sa mga kasamang nadakip o nasawi at sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay. Ngayon masigla ko na muling nahaharap ang bawat araw. Sino ang makaiisip na ikaw, ang awtoridad na pinaghimagsikan ko nuong aking kabataan, ay siyang magandang halimbawa sa akin ngayon! Anong mga milagro ang di nagagawa ng pakikibakang dakila tulad ng sa atin!”
Ang tulang ito ay may petsang 11 Hulyo 1973
Ina
Ano ang isang ina?
Mayamang hapag ng
gutom na sanggol
Kumot sa gabing maginaw
Matamis na uyayi
Tubig
sa naghahapding sugat
Ngunit ano ang isang
komunistang Ina?
Maapoy na tanglaw
tungo sa liwayway
Sandigang bato
Lupang bukal ng lakas
sa digma.
katabi sa labanan at
alalay sa tagumpay
Ang ina ko
- Cita Tagumpay
Hindi ko na kailangang sabihin pa na umaasa ako sa iyong pagsubaybay sa aming anak. Ibuhos mo sa kanya ang damdaming-ina na di ko maipadama – hanggang sa panahong makukuha ko na siya, na sana’y di hihigit sa isang taon.
Hanggang sa muli. Huwag kang mag-alala sa akin. Ipaaabot ko ang iyong pangungumusta sa ama ni lengleng.
Sa rebolusyon,
ang iyong anak