Ang madaling magbalik sa aking alaala kaugnay ni Kasamang Lory ay noong nasa ikalawang buwan na ako sa “safehouse” na kinabibimbinan ko noon mula nang ako’y mahuli noong Enero 17, 1976. Tapos na ang pambubugbog at pagpapahirap sa katawan; nagpasasa na ang mga humuli sa paglalapat ng pahirap sa kaisipan at kalooban: pang-iintriga, maling balita at pananakot sa layuning papanghinain ang loob.
Minsan,
isang araw ng Marso, nakangising pumasok ang isang opisyal ng ahensiyang humuli sa akin (5th CSU,
ngayo’y RSU4), dala dala ang isang dyaryo.
Inihagis sa akin at ipinabasa.
Nakapagtataka, sapagkat sa buong panahong inilagi ko sa safehouse na
iyon, ni minsa’y hindi ako pinahintulutang magbasa ng kahit ano (kahit
komiks)! Saka ko na lamang nahinuha ang
pakay nang matunghayan ko ang balita ng pagkamatay ni Lory sa isang
“enkuwentro” sa Mauban, Quezon.
Napatigagal
ako at matagal na hindi makapag-isip nang mahinahon. Sa paano’ys isang matalik na kaibigan at
kasama si Lory. Tila nagka-epekto ang
gustong mangyari ng walang hiyang opisyal.
Marami nang
bagay ang ikinababahala ko nang mga panahong iyon – lalo na ang katayuan ng mga
mahal sa buhay. Dumating ang puntong
nag-alala na ako sa demoralisasyong unti-unting gumagapang sa kalooban ko. Hanggang naipasiya kong walang mahihita sa
pagpapakalulong sa pagkaawa sa sarili at kung minsa’y paninisi sa iba. Isang mabisang paraang ginawa ko ay ang
pag-ala ala sa mga bayani at martir ng Rebolusyon. Si Lory at ang mga panahong nagkasama kami sa
ilang gawain ay naging mahalagang bahagi sa landas ng aking pagpapanibagong
tatag habang nasa kamay ng kaaway.
Una kong
nakita nang personal si Lory noong Abril ng 1971 sa Isabela. Isa siya sa mga kinatawan ng mga
propagandistang ipinadala roon para maghanda sa isang pambansang komperensiya
ng mga propagandista. Dapat pansining
siya lamang ang babaeng kinatawan doon.
Bago kami
nagtagpo ay matunog na rin ang kanyang pangalan bilang isa sa mga sulong na
element ng kilusang kababaihan; patunay nito ang pamumuno niya sa MAKIBAKA,
isang pambansang demokratikong organisasyon ng kababaihan noong bago ipataw ang
Martial Law. Ang unang impresyong nakintal
sa akin sa una naming pagkikita: militante, matalino, masigasig sa gawain at
malapit ang loob sa mga kasama (warm-hearted).
Napakapositibo
ng kanyang karanasan sa bundok kapiling ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong
Bayan (BHB), kung kaya’t hindi kaagad siya maka-uwi sa siyudad upang maasikaso
ang gawain sa paghahanda sa gagawing komperensiya. Doon niya muling nakadaupang-palad ang dati
niyang kasintahan noong estudyante pa siya.
Di naglaon, nakasal sila (isa ako sa mga sumaksi sa kasal) at saka
lamang siya “pumanaog.”
Sunod na
nagkita kami sa Maynila kaugnay nga ng paghahanda sa komperensiya. Siya ang nahirang na pinuno ng komite sa paghahanda. Sa maraming pagpupulong at konsultahan,
kapansin pansin ang kanyang kasigasigan at dedikasyon sa gawain. Masasabing kung hindi sa kanyang pagsisinop
ay baka nagtagal ang paghahanda. Isa pa
ring katangian niya na hinangaan ko ay ang diwa ng pakumbabang pag-aaral. Hindi nahihiyang magtanong o kumonsulta kung
hindi alam at sabik din naman magbigay ng kanyang kaalaman.
Sabihin pa,
matagumpay na naidaos ang komperensiya sa kabila ng kahigpitan ng mga panahong
iyon – naideklara na ang suspensiyon ng habeas corpus, na-wanted na sya sa
salang subersiyon at namiminto na ang imposisyon ng martial law.
Di naglaon,
pagkatapos ng komperensiya ay nabalitaan kong nalipat siya sa Zambales, isang
binubuksang lugar ng BHB. Matagal kaming hindi nagkabalitaan. Sunod kong nabalitaan na nasa Bicol na siya,
kung saan siya nahuli.
Ang
naikuwento na lang sa akin nang siya’y madakip ay ang kanyang diwang
magpumiglas, sa paano’y tinangka kaagad niyang makatakas, dangan na lang at
napaliligiran na siya ng maraming sundalo.
Taong 1974
(buwan yata ng Oktubre) nang siya at ilan pang detenido ay matagumpay na
nakatakas sa IPIL Rehabilitation Centers sa Fort Bonifacio. Mangyari pa, marami ang natuwa sa positibong
halimbawang ito. Naglabas pa sila ng
isang pahayag ng paglalantad sa mga
pang-aabuso ng mga military sa mga bilanggong pulitikal.
Makaraan ang
ilang buwan (Hunyo 1975) nakatanggap ako sa kanya ng isang liham na siya palang
magiging huling pakikipag-ugnayan ko sa
kanya.
Sa liham ay
isinalaysay niya ang kanyang bagoong gawain bilang isang namamahala sa gawain
ng pagbubukas ng isang sonang gerilya sa Timog Katagalugan. Napakataas ng
kanyang moral sa kabila ng isang matinding personal na problema: ang
napabalitang “pagbaligtad” ng kanyang asawa.
Nahalata ko sa sulat ang kanyang pagsisikap na ilagay sa tamang
perspektiba ang personal na problema.
Malinaw ang pagguhit niya ng
linya sa pagitan ng Rebolusyon at kontra Rebolusyon, determinasyong pangibabawan
ang personal na problema (na inamin niyang hindi kaagad malulutas) at matuto sa
karanasan.
Hindi na ako
nagkaroon ng pagkakataong sumagot bunga ng kahigpitan sa linya ng
komunikasyon. Ngunit hindi makakatkat sa
alaala ang tatag at tining na loob, determinasyon sa gitna ng kahirapan at
pagkamuhi sa kaaway na ipinahiwatig niya sa sulat at ipinamalas niya hanggang
sa huling sandal ng kanyang buhay.
Sa alaala ni
Kasamang Lory, iniaalay ko ang isang kasabihang narinig ko rito sa bilangguan:
“Ang problema ay hindi kung lalaki ka o babae; ang problema ay kung handa kang
lumaban o hindi.”
(Sa
aking pagkatanda sinulat ito ng isang kasama na hindi nagpakilala mga ilang
buwan pagkamatay ni Lorie. Walang pamagat ang kathang ito na kusa ko na lamang nilapatan. Rosa Mercado)