June 29, 2012

Mga Ala-ala ko kay Lory


Nakilala ko si Lory sa isang symposium sa Vinzon’s Hall tungkol sa isyu ng peminismo o women’s liberation noong 1970. Sa pulong na iyon ay tinalakay kung bakit kailangan ang hiwalay na organisasyon para sa kababaihan at bakit dapat patingkarin ang isyu ng kababaihan na loob ng mas malalaking isyu ng lipunan.


Sa mga panahong iyon, isang henerasyon ng mga kabataan ang tila isang dambuhalang alon na humampas sa bato ng tradisyon at establisimento . Pumalaot ang aktibismo ng mga estudyante sa mundo ng politika at kinalaban ang mga ugat ng sakit ng lipunan. Ang women’s liberation ay inihip ng hanging kanluran patungong Pilipinas at ilan kaming mga kabataang estudyante ang nahalina sa ganitong kaisipan.


Isa si Lory sa mga lider na nagsalita sa symposium. Malumanay magsalita si Lory. Sweet and soft spoken ika nga ngunit matatag mangusap. Parang mababatubalani ang kanyang kausap dahil puno ito ng sinseridad. Alam mo na ang taong ito ay nagsasabi ng tapat at hindi naghahabi lamang ng mga salita.
Pagkatapos ng symposium ay nilapitan ako ni Lory. Pinuri niya ako kapagdaka sa isang sanaysay na sinulat ko tungkol sa katayuan ng mga kababaihan nuong sinaunang panahon. Ito ang una kong napansin sa kanya. Hindi niya pinalalampas ang pagkakataong purihin ang isang kasama sa magandang ehemplo o nagawa nito.


Noong sama-sama kaming nakatira sa headquarters para siyang nanay na kumakalinga sa mga anak. Mother hen ang biro namin sa kanya. Over protective siya sa amin at "pinakikialaman" niya ang aming mga buhay buhay lalu't ito ay may kinalaman sa puso. Ayaw niyang may nang-aagrabiyado sa amin na mga kalalakihan.


Bilang mga aktibista ay puno ang aming mga araw sa mga rali at teach-in at sa gabi naman ay naglalamay kami sa pag-aaral tungkol sa mga pilosopiya at problema ng lipunan. Si Lorie ay di ko kinakitaan ng pagkapagod o panghihinawa sa dami ng iniaatas niya sa sariling mga gawain. Madalas siyang inuumaga sa harap ng typewriter sa pagsulat ng mga artikulo o manipesto. Hindi rin siya namimili ng trabaho. Maliit o malaki, importante man o hindi ang gawain ay pareho lang sa kanya.


Isa sa mga batayang prinsipyo na pinanghawakang mahigpit ni Lory ay ang diwa ng pagpuna-sa-iba at pagpuna-sa-sarili na napulot namin sa rebolusyonaryong karanasan ng Tsina. Hindi pinalalampas ni Lory ang mga bagay na sa tingin niya ay nakakasira sa samahan o simulain. Hindi siya nangingiming punahin ang iba sa mga kahinaan nito ngunit kaakibat nito, mas mahigpit siyang pumuna sa sarili. Anumang hingiin niyang tibay sa iba ay tinutumbasan o pinupunuan niya ng mas higit na pagpapatibay o pag-asa sa sarili. Pinilit ni Lory na iwaksi ang “burges” na tendensiya ng pagka-makasarili at pagpapalagay na mas mataas ang sarili kaysa iba. Sa bagay na ito ay nakita ko kung paano binago ni Lorie ang kanyang sarili para maging ka-isa na siya sa puso’t diwa sa pinaglilingkuran niyang masa.


Noong baguhan pa lang ako sa kilusan ay napansin ko na madalas mag-ingles at magpaka “intelektwal” si Lory na marahil ay nakasanayan niya bilang iskolar sa UP. Nangingimi tuloy akong makipag-usap sa kanya. Ngunit siya na mismo ang nakahalata sa ganitong tendesiya. Nabanggit niya sa ilang malapit na kasama na dapat tigilan na nila ang “pribadong lengguwahe” na sila-sila lamang ang nagkakaunawaan. Napansin ko rin na habang tumatagal ay mas “nakikinig” si Lorie kaysa “nagsasalita” bagama’t alam kong mas marami siyang maibabahaging kaalaman. Nakita ko rin ang kanyang kababaang loob at kasigasigan na matuto sa karanasan ng iba lalu na kung ang kahalubilo niya ay mga pangkaraniwang mga tao.


Isa mga di ko malilimutang ala ala tungkol kay Lorie ay noong magkasama kaming nagpipiket sa US Tobacco Corporation sa may pier area sa Maynila. Taong l969 noong sumiklab ang welga ng mga manggagawa ng US Tobacco laban sa kapitalistang dayuhan na nagmamay-ari nito. Maraming kabataang estudyante ang nakilahok sa piketlayn, duon na natutulog sa may kalsada, umulan man o umaraw.


Isa ako sa mga estudyanteng nagbababad sa piketlayn. Isang araw ay tinawag ako ni Lorie upang magsagawa ng isang “misyon” na iniutos sa kanya ng mga nakakataas. Kailangan umanong sirain namin ang moral ng mga eskirol, ang tawag namin sa mga manggagawa na inupahan ng pabrika upang humalili sa mga welgista. Magsasagawa kami ng isang ma-dramang eksena. Iiskandaluhin namin ang isang babaeng eskirol sa harap ng maraming tao. Magpapanggap si Lorie na kunwari siya ay inagawan ng asawa ng naturang babae. Ang plano ay pagmumukhaan ni Lorie ang babae habang humahagulgol ako sa pag-iyak.


Habang papalabas sa pabrika ang mga manggagawa noong bandang hapon ay sinabayan namin ang isang babae pagsakay niya sa bus. Umupo kami ni Lorie sa likuran ng bus habang pasulyap sulyap kami sa babae. Di nagtagal ay nakarating kami sa may bandang Espana Extension. Huminto ang bus sa gitna ng trapik. Nakahalata ata ang pobreng babae sa aming “maitim” na balak kaya’t dali dali itong bumaba. Hinihintay kong tumayo si Lorie para sundan namin ang babae ngunit sa di ko mawaring dahilan ay hindi tuminag si Lorie sa kanyang pagkakaupo. Nagsayang kami ng tila napakahabang sandali. Nagtaka talaga ako. Sa loob-loob ko ay hindi namin maaabutan ang babae kung saan man ito paroroon. Pagbaba namin sa bus ay gayun nga ang nangyari. Nawalang parang bula ang babae.


Pinagisipan ko ng malalim ang pangyayaring ito. Bakit kaya sa huling sandali, ay tila pinaghinawaan siya ng loob at hindi niya nakayanang ituloy ang balak. Sa aking palagay may magkasalungat na tunguhin sa pagkatao ni Lory ang sa tuwi-tuwina ay namamalas ko. Sa isang banda ay naroon ang kanyang diwang palaban, ang kanyang pag-akap sa alituntunin na tanging sa isang madugong paghahasik lamang mapapalaya ang bayan. Sa gabay ng diwang ito ay pinasidhi ni Lorie ang kanyang giting at tapang at hindi siya nangiming humawak ng armas sa paglaban sa pang-aapi. Ngunit sa isang banda ay naroon ang isang makataong Lorie na punong puno ng pagmamahal sa kanyang kapwa, mapagkalinga, maunawain, matulungin, mapagbigay, maalalahanin at nagtataglay ng marami pang magagandang ugali ng isang tunay na Pilipino.


Nanimbang marahil si Lorie sa isinagawa naming “misyon” sa US Tobacco. Naging bulag kaming tagasunod sa iniutos sa aming gawain maisulong lamang ang proletaryadong simulain. Ngunit sa kabila noon ay hindi namin inalintana ang makataong karapatan ng kawawang babae na ang tanging layunin lamang ay kumita ng kaunting pera. Gusto kong isipin na nangibabaw ang makataong adhikain ni Lorie kaysa sa atas ng isang abstraktong prinsipyo.


Hindi ko rin malilimutan ang panahong ginugugol niya upang alamin at lutasin ang aming mga personal na problema, tungkol sa pamilya man o personal na buhay. Kahit nasa kalagitnaan kami ng pakikibaka hinggil sa malalaking isyu ay naroon si Lory upang makinig sa aming pinakamaliliit na hinaing sa buhay. Naalala ko tuloy ang isang personal na problema noon na sa wari ko ay simbigat ng mundo. Dahil nga napasabak ako kaagad sa kilusan sa murang edad at wala pang muwang sa mga bagay ay minsan na akong naigupo ng problemang may kinalaman sa pakikipag-relasyon.




Hindi ko na babanggitin dito kung anuman iyon, basta ang nangyari ay hindi ako tumigil sa pag-ngunguyngoy at paghihimutok sa isang tabi na tumagal ng maraming araw. Walang sinuman sa mga kasamahan ko noon sa MAKIBAKA ang makapagpahinto sa aking tila pagkalunod sa mga di magandang pangitain. Hangga’t sa huli ay ‘dinala’ ako kay Lorie na sa mga panahon na iyon ay nailipat na sa ibang gawain at malayo na sa amin. (Nalaman ko na kahit iba na ang destino ni Lorie ay inaalam pa rin niya ang tungkol sa amin). Aywan ko ba naman kung ano ang mayroon sa mga sinabi ni Lorie kung bakit sa isang iglap ay nabunot niya ang tinik na nasa aking dibdib at “bigla” kong naunawaan ang lahat. Simula noon ay lalung umigting ang sampalataya ko kay Lorie.


Tao si Lorie at bumibigay din siya sa kalungkutan ngunit hangga’t maaari ay hindi niya ito pinahahalata o hinahayaang makagambala sa gawain. Minsan ay naputukan si Lorie ng pillbox na lumapnos sa kanyang magandang binti. Isa itong aksidente na naganap sa loob ng aming himpilan. Hindi ko man lamang namalayan na nasugatan siya dahil ni hindi niya ito nabanggit sa akin. Ganoon si Lorie, iniinda niya ang mga sugat, sa katawan man o sa puso. Noong namatay ang una niyang kasintahan ay wala akong napansin na kaiba kay Lorie, patuloy pa rin siya sa mga itinakda sa sariling gawain. Hangga’t dumating ang kailaliman ng gabi. Tabi tabi kami noon na natutulog sa isang kuwarto. Tila sa gitna ng isang masamang panaginip ay narinig kong tumatangis si Lorie. “Ayaw ko nang gumising” paulit ulit niyang sinasambit. Sa lungkot ng kanyang tinig ay hindi ko na rin napigil ang pagpatak ng aking luha.


Bumalik ang dating sigla ni Lorie noong namamaalam na siya sa amin papuntang kanayunan. Pinakamimithi ni Lorie ang sumanib sa bagong hukbo at lalung sumidhi ito ng mag-alay ng sariling buhay ang kanyang kasintahan. Niyaya ako ni Lorie na maglakad sa tabing dagat sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Malapit kasi dito ang himpilan namin sa may San Andres Bukid. Napansin kong hilig ni Lorie ang naglalakad. Inihabilin sa akin ni Lorie ang pamamahala ng organisasyon.


Masayang malungkot ang naramdaman ko. Iba kasi pag dalawa lang kayong nag-uusap ni Lorie. Damang dama ko na espesyal ako sa kanya, na ka-iba ako kaya buo ang atensyon niya sa akin. (Ngunit alam ko rin na ganito siya sa kahit sinong kausap). Sa mga binilin sa akin ni Lorie, ang hindi ko malilimutan ay nang ipaalala niya sa akin ang huling binigkas sa kanya ng isang kasamang nawawala, na pinaghihinalaang dinukot ng mga itinuturing namin noon na mga kaaway. Ani Lorie, “ang sabi ni Charlie bago siya mawala ay kailangang ituloy natin ang gawain.” Palagay ko ito rin ang gugustuhing habilin ni Lorie para sa atin.

(Isinulat ng isang kasapi ng MAKIBAKA bandang 1980s)