September 25, 2012

TO A WOMAN POET
DYING IMMORTAL

yesterday I had a talk
with an old man
who had your eyes
The same laughing squint
hiding a watchfulness
that catches even hints
Of rainbows

-poem to her comrade

  
The fronds, without being told, danced in crosses
On a deathground of proud trees and humble hills
And the birds knew when to chirp their elegies
Even the rocks seemed to be renewing themselves
Angrily, where they had been chipped off
By the violence of lead warring against earth.
Rains poured in January and spirited away
Your bloods into the roots of quiet bamboo
And into the headwaters of the lowland brook.
The earth must have felt wonder: this warm body
Has slumped so beautifully, clutching its own
As though in a prophecy of bittersweet reunion.
You had written of lilies in the free undergrowth
Unfolding like the remembered eyes of your love,
Eyes more constant than the glimmer of fireflies
Lilies like torches in a dark season of monsoons.
It may not be so strange, after all, that memories
Of our moment of dying over your unreal death
Persist to haunt us: it was only a second of grief,
And we small need, oh! a  brave cycle of lifetimes
To feel your hands in ours, fully hold your spirit
As we follow trails where you planted your flowers.

    


 SA ISANG MAKATANG BABAI
NA YUMAO, AT WALANG HANGGAN



kahapon, aking nakausap
ang isang matandang
tulad ng sa iyo ang mata-
naniningkit habang tumatawa
may lihim na katalasang
nakahuhuli ng kahit bahid
ng mga bahaghari.


Di man pinagsabiha’y hugis krus na nagsayaw
ang nangingipuspos na mga dahon ng niyog
Sa libingang may tanod na puno’t burol.
Maging ang bato ay napahumindig, kung saan
Tinipyas ng tinggang namuhi sa iyong lupa.
Dumagsa ang ulang Enero, itinakas nito
Ang dugo mo’t inipon sa ugat ng kawayan
Inilagak sa bukal na ang tungo’y kapatagan
Nagtaka ang lupa, marahil: kay init ng
Iyong katawan!  At anong payapang nakahandusay...
Yumakap sa damo, tinik, luwad, bulaklak
Waring itinakda ang pag-aalay sa gubat!
Sumulat ka noon tungkol sa mga liryo:
Kawangis kaya’y mga mata ng mahal mo
Na nakatutok saanman abutan ka ng dilim?
Matang ang ningas ay higit pa sa alitaptap
Liryong sulo mo sa kadawagang hinabagat
Hindi nakapagtatakang kami pa’y dinadalaw
Ng mga sandaling nag-ulat noon ng pagpanaw:
Saglit ding kamatayan, saglit ding pagkapugto
At ngayo’y kailangang namnamin habambuhay
Ang dampi man lamang ng nakadaop mong kamay
Ang rikit ng tinula mong pag-ibig sa lahat
Habang aming tinutunton ang pinagtamnan mo
ng mga bulaklak.  

                                                  -    by Edgar Maranan
                                                        both English and Filipino translation 



LIHAM NI LORY PARA SA MGA KASAMA


VIRGIE, INE, CHENG at Tambourine Man
c/o CHARY LINE VIA GUIA

17 Enero 1976
Mga kasama,

 Bagamat medyo huli na, maalab na pagbati sa ika-7 aniversaryo ng ating Partido.  Dumating ang inyong mga sulat bago mag-Pasko at tunay na nakapagdagdag ito sa diwa ng pagdiriwang.  Kay sayang makarinig mula sa mga napalayong kasama! Hindi kami nakapagpadala ng sagot noong huling lakad ng kom pagkat nagipit sa panahon.  Sa panig ko, pawang mga opisyal na sulat at ulat lang ang nakaya kong tapusin. Kaya nga’t para sa ulat na ito’y sinamantala ko ang madaling araw.  Totoong napakabigat ng iskedyul namin lalo na ngayon. 

Ang sonang gerilya na kinapapalooban ko ay nasa panahon na naman ng pamamasok ng kaaway.  Patapos na ang tag-ulan at muli na naman nilang matatawid ang mga ilog at dagat.  Napakahalagang maihanda ang Partido, hukbo at masa upang ito’y makapanatili ng sarili at huwag madurog ng kaaway.  Malaki ang pagkahawig ng sonang ito sa mga sona sa CL.  Relatibong malapit sa malalaking sentro at linya ng komunikasyon, malaki ang taya ng mga naghaharing uri at dayuhang kapitalista, bagamat bulubundukin at may ilang bahaging prontera.  Noong nakaraang taon, laban sa ating dadalawang iskuwad gerilya na halos pawang single-shot ang mga baril, nagbuhos ang kaaway ng isang batalyong PC-PA tropa.  Ang  layunin ng operasyon ay “inisin sa duyan” ang rebolusyonaryong kilusan dito; alam ng kaaway na maliit at mahina pa ang ating puwersa.

Bagamat 5 kasamang kadre at mandirigma ang napatay sa operasyon at 2 namumunong kadre ang nadakip bukod sa mahigit isandaang masa na dinakip o binugbog bigo ang kaaway, nananatiling buo ang ating hanay at matatag tayong maling nagbangon.  Sabi nga, muli tayong tumayo, magpahid ng dugo’t malibing ang mga kasamang nasawi at mahigpit na humawak ng sandata upang muling humarap sa kaaway.

Nitong mga huling buwan, ang organisasyon ng Partido sa sona ay naglagom ng karanasan upang makita ang naging mga kahusayan at kahinaan sa nakaraang pagkilos.  Marubdob na nag-aral ang buong kasapian sa mga ginanap na komperensyang pangteorya.  Naging malinaw sa mga kasama ang mga katangian ng sona at kung paano sa nakaraang pagkilos ay naging hiwalay sa kongkretong kalagayan ang naitakda at naisagawang programa.  Pangunahing tendensya ang bahid ng dogmatismo at “kaliwang paglihis”, naging labis ang pagtaya sa sariling puwersa at lubhang matayog ang mga ambisyon.  Sa kaparaanan ng pagwawasto, lalong napalalim ang pag-unawa ng buong kasapian sa digmaang bayan at maraming natutuhan hinggil sa paglapat ng MLMTT (Marksismo-Leninismo-Kaisipang MaoTsetung) sa mga aktwal na kalagayan.  Sa ngayon, natapos na ang malaking bahagi ng pagwawasto at panloob na konsolidasyon; nasa yugto na ng pagbigay ng pangunahing diin sa pampulitikang Gawain.  Makailang ulit na mas handa ang ating subhetibong puwersa sa pagharap sa panibagong pananalakay ng kaaway.  Kung maiiwasan ang naging mga kamalian sa nakaraan, di magtatagal at malalagay na tayo sa kalagayang makapaglulunsad ng taktikal na pananalakay sa kaaway.

Sa gitna ng ganitong kalagayan, marahil mauunawaan ninyo kung bakit medyo nadiskaril ako sa ilang mga nakuhang impresyon mula sa inyong mga sulat.  Lubog na lubog ako sa kalagayan ng digmaan at medyo nagitla ako sa nakitang kalagayan ng ilang mga kasama – na wala sa digmaan o parang wala sa digmaan.  Ngunit sa panahong namagitan mula noong una kong mabasa ang inyong mga sulat at ngayon, napag-isipan ko na ito ng mas malalim at nakikita kong maging ang mga kasamang sa wari’y wala sa digmaan ay nakapaloob ito at di mahihiwalay na bahagi nito.  Halimbawa na lang, di ba’t halos pawang nabilanggo na  tayo? Naging POWs (Prisoners of War)? At ngayon ang iba sa atin ay nakabalik sa pangunahing agos samantalang ang iba’y naging DPs (displaced persons o water lilies sa terminolohiya ng lungsod).  May ilan ding pansamantalang nahiwalay, hindi dahil sa pagkabilanggo kundi dahil sa ibang pangyayari tulad ng dislokasyon sa organisasyon ng Partido na dulot rin ng digmaan.  Lahat tayo ay nasa digmaan pati na ang mga walang kamuwang-muwang tulad ng mga sanggol at taong di mulat.  Ito ang ating obhetibong kalagayan.  Nagkakaroon lamang ng kaibahan sa antas ng mga may kamalayang kapasiyahan na pumaloob sa digmaan at maging bahagi ng puwersang nagtatakda ng direksyon nito at tagumpay. Maari tayong dalhin na lang ng agos ng rebolusyon.  At maari tayong siyang maging motibong puwersa nito, bahagi ng talibang organisasyon.  Ngunit ito’y sa kasalukuyang yugto lang ng digmaan.  Sa pag-unlad nito, tayong may kamalayan at karanasan na pipilitin at pipilitin ng kalagayang manguna sa rebolusyonaryong agos o sumalungat rito.  Ito ang sinasabing “burden of awareness”.  Hindi na natin maisasara ang mata ng diwang namulat na.  Pansamantala, maaring mahilom ito, mapuwing. Subalit kamatayan na lang ang makapagpipikit.  Kayat mulat tayong mananangan ng sandata para sa sambayanan o para sa mga mapagsamantala’t mapang-api, alin lang sa dalawa.

Tulad ng sabi ni Kasamang Virgie, “we believe in you like hell.”  Bagamat naipamukha na sa atin ng mga katulad ni Ramon na may ilang magtataksik sa rebolusyon mula sa kaloob-loobang hanay natin, hindi nasira ang tiwala ko sa nakararaming kasama.  Buo ang pananalig ko na habang nakikitunggali tayo sa sarili ay magagapi ang anumang multo’t halimaw tulad ng pesimismo at pagpapabaya sa rebolusyonaryong tungkulin.  Napakagandang senyales, sa wari ko, ang nasasalaming “self consciousness” sa inyong pagtaya sa sarili, ang kawalang pagkukunwari at walang kurap na pagtingin sa katotohanan.  Bagamat nababalot sa madidilim na salita, ito’y may hugis ng pag-asa.  Kundi’y hindi na marahil kayon mag-aabalang sumulat sa amin.

Paano ko kaya maipahihiwatig kung paano lalung tumining sa isipan ko at damdamin ang kahulugan ng katagang “kasama” nang mabasa ko ang inyong  liham?  Tunay na nagkakalayo tayo sa pisikal na distansya at kinapapaloobang kapaligiran – ibang iba ang ating mga kalagayan – subalit naroon at di maipagkakamali ang init ng halik at yakap, ang marubdob na pagmamahalan na isinilang at binubuhay ng rebolusyon.  Sabi nga ni Kasamang Cheng, alam na natin ang tibok ng bawat isa – hindi man ito lubusang nagkakasabay.

Sana ay maunawaan niyo kung iisang sulat lang ang magawa ko sa ngayon para sa inyong lahat. May mga partikulat akong karanasan at kaisipan na nais ibahagi sa mga particular na kasama subalit kailangang mamili ako sa isang sulat o wala muna.  Ayaw ko namang magpadala ng maraming sulat na pawang telegram.  Huwag niyo naman sana ako gantihan ng isang “joint letter” din!  Nais kong maging mas malalim ang pang-unawa sa inyong buhay. Napakarami ring nais kong mabalitaan hinggil sa lungsod, sa mga isyu na mainit ngayon, sa kalagayang pangkultura, sa mga masalimuot na maniobrahan sa hanay ng mga reaksyonaryo, pag-unlad ng pandaigdigang kalagayan atbp atbp atbp.  Napakahalaga sa amin rito na bihirang makabasa ng pahayagan o makapakinig ng radio, ng inyong buhay na pagsusuri sa pambansa at pandaigdigang mga pangyayari, kundi’y magiging napakakitid ng aming kamalayan – at ito’y maaring magbunga ng subhetismo o lokalismo.  Tiyak na maraming bagay na “taken for granted” na ninyo subalit bago sa amin (at siempre vice, versa).  Huwag tayong manghinawa o tamarin na sumulat sa isa’t isa.  Mali ang sabi ni Kasamang Ine na di siya maaring maging ka-koresponsal ng mga tulad naming nasa kanayunan.  Marami kayong alam na di namin alam. At hindi kami interesado sa mga magagandang balita lamang.  Ang lahat, pati kapaitan at kasakitan ng isa’t isa, ay makabuluhan sa ating pag-aaral hinggil sa kabuuan ng buhay  ng tao sa daigdig, at sa paglikha natin ng tunay na makataong lipunan.

Kaya, sa madaling salita, SUMULAT KAYO NG MAS MAHABA, hane? 
Bukod sa pagsulat, nais sana naming hilingin ang inyong patuloy na pagtulong sa pag-solicit ng mga pangangailangan dito.  Maraming maliliit ngunit mahalagang mga bagay na maari niyong ipadala, tulad ng medyas, bonnets, kumot, panlamig, ballpens, notebooks, notepads, scissors, nailcutters, needles and thread, paper clips and fasteners, business envelopes, manila envelopes, large and small plastic bags, flashlights, batteries, jungle knives, medicines, pagkaing naitatabi o naiimbak tulad ng de lata at daing at mga instant foods gaya ng Royco soups, vetsin, pantalon at t-shirt na dark colored at madaling matuyo, mga sako, raincoats, toothbrushes, toothpaste, sabon atbp atbp.  Kung magagawa niyong magsolicit kahit small amounts nito at tipunin bago ipadala rito, napakalaking tulong talaga.

May particular na pangangailangan rin dito ngayon ng tutulong ng research hinggil sa mga vested interests dito.  Maari ba kayong tumulong?

At lalo’t higit, may malaking pangangailangan para sa mga kasamang gaganap sa gawaing liyason.  Sino kaya sa inyo ang puwede?  Kakailanganing mag-commute sa lalawigan mga dalawang beses sa isang buwan, magsagawa ng alliance work at pumasok sandali sa sona upang makapanayam ng lubos hinggil sa gawain.  Ano ang inyong palagay? Sabik naming hihintayin ang application forms.

Lampas 8:00 a.m. na at dumating ngayon lang ang mga kasama sa hukbo.  Pawang pagod sila mula sa mahabang lakad at mabigat na pasanin, ngunit masisigla at maraming kuwento.  Marami na muling gagawin kung kaya’t kailangang putulin na ito.  Ang dalang balita ng mga kasama ay may nakatakdang pulong ngayon sa isang baryo na kalapit dito, pupulungin ng mga PC (Philippine Constabulary) ang masa pagkat sosonahin raw itong lugar.   Malamang na sisimulan na muli ang konsentrasyon ng masa sa mga sentro ng baryo bilang paghahanda sa operasyon.

Sige, talagang kailangan nang tumigil.
MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT!

                                                            Sa tagumpay,
                                                            Ka Luz

PS  Pagsulat niyo, ilagay niyo sa labas ng sulat, LUZ c/o HOLLAND. Ito ang aming PO Box no. Sa mga packages, ganito rin ang address tapos markahan niyo ng “PERSONAL” at itala sa labas kung anu-ano ang nilalaman. Ok ba?

HALAW KAY MA. LORENA BARROS 
(Mula sa They Dwell In Yellow Quiet) 

Dilaw ang kulay ng katahimikan
sa tahanan ng mga pobre.
Ang kanilang gasera 
ay gawa sa basyong bote, 
pinasakan ng basahan 
at nakapuwesto ngayon
kung saan katamtaman 
ang timpla 
ng liwanag at dilim.

Dilaw na katahimikan 
ang dala ng gabi 
sa tahanan ng mga pobre.
Walang maririnig
ni katiting na ingit 
mula sa mga bata
kahit pa madiin ang suntok
ng dilim sa sulok
kung saan sila 
madalas nakaumpok -- 
maliban na lamang
sa harap ng dulang 
at pare-pareho silang nagtatalo
kung para kanino
ang kakapiranggot na ulam. 
'Pag ganito, kumikinang 
ang mga matang luhaan
sa liwanag 
na dilaw ang kulay, bagay 
kung kaya di naglulubay
sa pagsaway ang matatanda 
hanggang magpanumbalik
ang bawat isa 
sa kani-kanilang 
tahimik na pagnguya. 

Magaan kung humakbang
ang mga paang tumatawid
sa patse-patseng sahig
sa tahanan ng mga pobre. 
Walang impit
na galit, o dabog
na maririnig
kahit matagal nang hukot 
ang mga balikat
at halos pumutok 
ang ugat 
sa mukha at palad 
kapwa ng bata 
at medyo may-edad. Sa gabi, 
isinasara nang maigi
ang bintana
sa tahanan ng mga pobre.
Gayunman, di nila kailangan
ang bakal na rehas
upang tiyaking hanggang 
doon lamang sa labas
ang mas lalo pang pobre.















THEY DWELL IN YELLOW QUIET


They dwell in yellow quiet
these houses of the very poor
the homemade gas lamps are
expertly placed – just so
they do not flicker much
though still the shadows cast
are insecure.

The night brings yellow silence to
the houses of the very poor
the many children do not cry, though
it is hellish dark, in the corners
where they are –
except when gathered
round the wooden table
they fight over their shares,
bright tears and eyes in the yellow light.
But the justice of the elders is
God’s own, and silence
reigns over the chewing.

And yet in the quiet houses of the very poor
they drag no heavy feet
over the patchwork floors,
There is no rebellion in 
their placid movements       
Although the shoulders stoop
and veins stand out on
wrinkled hands and faces old
or not
At night the windows are shut tight
in the houses of the very poor
the next best way to iron grills
To keep the poorer out

                                                                   - Ma. Lorena Barros                                                                                
                                                                      The Weekly Nation
                                                                      October 2, 1967. p. 28


September 23, 2012


LORENA – BALIK TANAW SA ISANG KAIBIGAN, KASAMA
Rolando Peña
Noong unang mga taon ng martial law na nagbunsod ng kilabot sa buong bansa, lagi akong sabik na matunghayan ang dyaryo para malaman kung may nangyari ba sa mga kaibigan at kasamahan na aktibong kumikilos laban sa makinaryang pandigma at panunupil ng diktadura.  Minamabuti  ko na rin kung walang balita, iniisip ko na lang na ligtas sila.  Nang ako’y nabinbin sa ibang bayan, nag-ibayo ang pananabik ko na makabalita sa mga nangyayari sa Pilipinas, at inaasam-asam ko ang pagdating ng dyaryo at magasin kahit medyo bilasa na ang mga balita dito.  Laking gulat, pighati at panghihinayang ko nang mabasa sa Far Eastern Economic Review na nagbuwis ng buhay si Laurie sa isang engkwentro sa Quezon.  Natagpuan sa isang bulsa niya ang isang tula.

                Yesterday I had a talk
                with an old man
                who had your eyes –
                The same laughing squint
                hiding a watchfulness
                that catches even hints
                of rainbows
                He spoke to me of patience
                in his voice a whole season...
                you have endured
      the first minute
      of your own dark season –
     Ah, I can bear to think of it
     only when I can see you smile!
     comrade, dear friend
     teach me how not to flinch
     through mine.
               
Nakilala ko si Laurie bilang makata noong siya’y estudyante pa sa Anthropology sa UP.  Aktibo siya noon sa kilusan laban sa pandirigma ng US sa Vietnam, kasama  ng mga kaibigan niyang makata at alagad ng sining.  Naging kaibigan ko siya at nakabarkada ko rin ang barkada niya, kabilang na ang iba pang kaklase niya sa Anthropology.  Mahigpit ang kanyang ina na ang gusto’y magtuon siya sa pag-aaral at hindi pumalaot sa walang katuturang aktibidad.  Madalas hinahatid namin si Laurie sa tirahan nila sa isang pinto ng apartment sa dulo ng 15th Avenue sa Cubao, at sa mga pagkakataong  iyon ay doon na rin kami naghahapunan at paminsan minsan ay nakikipagdebate sa kanyang tiyuhin, si Aling, na napaka isrikto at may pagka-konserbatibo.  Dahil may trabaho na ako noon at mukhang responsable , pumapayag ang kanyang ina na magpagabi si Laurie kung ako at/o si Jerry Araos ang kasama o kaya kung may lakad sa Sabado o Linggo.  Kung minsan ginagabi siya ng uwi sa pagdalo sa mga konsyerto o dula at dinadayo pa namin noon ang Cultural Center, o kaya’y napapasarap ang kuwentuhan – diskusyon tungkol sa panitikan, pilosopiya. pulitika at kung anu-ano pa.

Parang bahagi na rin ako ng pamilya ni Laurie.  Dahil nakatira ako sa isang mataas na apartment sa Albany, na malapit lang sa kanila, doon na rin ako pinag-aalmusal ng kanyang ina.  May panahon ding pinupuntahan din ako ni Laurie para magpatulong sa term paper niya sa Anthropology at sinusundo siya sa gabi ng kanyang ina at tiyuhin.  Minsan naman ay dinayo ako ng buong pamilya para pakainin sila ng spaghetti dahil naipagmalaki ko na masarap ako magluto nito.  Noong katapusan ng 1969, sa Albany namin sinalubong ang Bagong Taon, kasama ang mga kaibigan.  Kinaumagahan, doon kami nag-almusal sa bahay ni Laurie at namangha ang kanyang ina dahil parang dinaanan ng mga sundalo ang handa niya, sa isang iglap ay halos naubos.

Noong 1970, naging higit na aktibo si Laurie sa kilusang protesta, una sa SDK at pagkaraan sa MAKIBAKA, lalo nang matapos siya sa pag-aaral.  Magkatabi kami sa rali noong Mayo 1 sa lumang Kongreso at nang nagsimulang magpaputok ang mga sundalo mula sa moog ng Intramuros ay magkahawak kaming umiwas, tumakbo sa direksyon ng Rizal Park. (Dito nasawi si Liza Balando at iba pang manggagawa).  Minsan naman, pagkatapos ng isang rali, nagtungo si Laurie at ibang akitibista ng MAKIBAKA sa lugar ng US Tobacco Corporation na pinagwewelgahan ng mga aktibistang manggagawa.  Dala pa ni Laurie noon ang kanilang istrimer at pilit silang pinapalis ng mga Metrocom subalit hindi sila natinag sa kanilang puwesto na hawak-hawak ang kanilang istrimer.

Sa kabila ng kanyang aktibidad kaugnay ng namumuno niyang papel sa kilusang protesta, hindi niya nalilimutan ang kanyang ina.  Minsan pinag-usapan namin na magandang proyekto ang pagtanghal ng dula ni Bertolt Crecht na “Mother” na batay sa nobela ni Maxim Gorky.  Hinggil ito sa ina ng aktibista na tutol sa pagkakasangkot ng anak sa kilusang rebolusyonaryo, hanggang sa wakas ay nakumbinse ang ina sa kawastuan ng kilusang ito at lumahok na rin siya dito.  Isinalin namin ito kasama si Mike (na ngayo’y kilalang katuwang na director ng pelikula sa ngalang Lore).  Ang problema sa pagsalin ay hindi namin alam ang himig ng mga kanta, pero isinalin na rin namin at pinalapatan ng himig sa kaibigan sa musika.  Kabilang dito ang awit na “Magsimula ng Pag-aaral,” “Papuri sa Sosyalismo” at iba pang awit na kasama sa mga kinanta sa palabas na “Barikada”.

Tunay na alagad ng sining si Laurie, patuloy siyang nagsusulat ng mga tula, nagbabasa ng mga katha, dumadalo ng mga konsyerto o nanonood ng mga palabas na nababalitang maganda.  Dumadayo pa kami ng Maynila noon mula sa Diliman para manood ng sine.  Halimbawa, matapos ng isang rali sa UP (welga ng mga istudyante), tumungo kami ng Quiapo para panoorin ang “The Assassination of Jean-Paul Marat as Performed by the Inmates of Charenton and Directed by the Marquis de Sade.”

May panahong hindi kami nagkita ni Laurie: nagtungo siya sa Isabela at doon sila nagkakilala ni Felix, na naging kabiyak niya.  Sa kasamaang palad, hindi nagtagal ay nagbuwis ng buhay si Felix para mailigtas ang ibang mga kasama.  Naibalita kay Laurie ang pagkamatay ni Felix noong Kongreso ng Movement for a Democratic Philippines (MDP).  Nang makita ko siya sa himpilan ng SDK-Mendiola sa may Pedro Gil, nakaupo siya sa isang sulok, tahimik na iniinda ang kasawian o kaya naman inaalala ang mga sandali nila ni Felix.  Wala akong masabi sa kanya sa mga sandaling iyon, bagamat nariyan ang mga katagang pampalubag-loob na bukang bibig ng mga aktibista sa ganitong pagkakataon.  Niyakap ko na lang siya at iniwan ko siya roon, bagamat ipinahiwatig ko na nariyan lang ako kung may kailangan siya sa akin.

Paglaon ay tinanggap na rin niya ang matagal nang nanunuyong si Ramon.  Nagtungo sila sa larangan subalit mayroon din silang himpilan sa bandang Marikina.  Kapag nagagawi si Laurie dito ay nagkikita kami, nagkukuwentuhan.  Kung may magandang palabas at kung may panahon siya, nanonood kami ng sine sa Cubao, kahit nasumbatan na siya ni Ramon hinggil ditto.  Sinabi naman niya na ako’y mapagkakatiwalaang kaibigan at kasama at hindi siya dapat mag-alala.

Nang isuspindi ang Writ of Habeas Corpus noong Agosto 1971, nilisan ko ang aking tirahan sa Albany bilang pag-iwas sa anumang masamang maaring mangyari.  Sinulatan ako ni Laurie muli sa aking kinalalagyan para isama sa kanyang pinamumunuang grupo na naghahanda ng kumperensya sa propaganda, na kabilang ang panunuri sa panitikan at sining sa konteksto ng kilusang protesta at rebolusyonaryong agos.  Nagkasama-sama kami sa isang bahay sa San Juan, kasama si Pete, Boni at istap ng mga Tagasalin, kayat walang tigil ang takatak ng dalawang makinilya.  Dumadating din dito ang ilang miyembro ng PAKSA na katulong namin sa paghahanda ng materyales para sa Kumperensiya.  Kapag medyo libre kami ay nanonood kami ng sine o dula. Naglalakad lang nga kami kung minsan hanggang Greenhills para manood ng sine.  Noong binyag ng anak ni Pete na dinaluhan naming lahat, pinanood din namin ang “Asedillo” sa Cubao. At minsan, sama-sama kaming magkasambahay na nanood ng produksyon ng PETA na “Ang Butihing Babae ng Sichuan” dula ni Brecht na isinalin sa Pilipino.
Hindi pa kami nagtatagal sa San Juan ay nabulabog kami nang hulihin si Gary, na dumadalo sa mga pulong sa aming tirahan.  Kaya’t dali-dali kaming naghanap ng malilipatan at maski gabi ay lumipat kami sa isang bahay sa Mandaluyong.  Kung minsan ay dumadating dito ang kanyang ina, na lumahok na rin sa kilusang lihim bilang kuryer.  Nang panahong iyon, lumahok na rin sa kilusan ang kanyang pinsan na si Chilet at si Malou na kaklase niya noon sa anthropology.  Sa mga libreng oras ay nagkukuwentuhan kami at nagtatalakyan hinggil sa maraming bagay.  Kung minsan ay dumadating dito si Eugene Gray at lalong nagiging buhay ang aming usapan.  Naitanong minsan ng kasama namin sa bahay na si Karina kung ano ang mga pinag-uusapan namin at parang hindi kami nauubusan.  Pero ibang tao talaga si Laurie, hindi lang siya isang matatag na rebolusyonaryo, isa rin siyang makata at siyentipiko, at bukod dito ay marami din siyang alam sa pilosopiya kayat hindi lang napapako sa isang paksa o bagay ang kanyang mga interes.  Gayunman, alam niya ang kanyang prioridad at matatag ang kanyang paninindigan sa mga simulain ng rebolusyon.

Matagumpay na naidaos ang aming kumperensya at hindi na kami nagkita pang muli, bagamat may mga pagkakataon na nababalitaan ko siya. 
Minsan nagpadala siya sa akin ng sulat, kasama ng dalawang libro.  Kasama ito sa mga naiwan kong libro na ang iba ay nauwi sa pangagalaga niya.  Sinabi niya sa sulat na alam niyang paborito ko ang mga ito, hindi ko na kailangang hanap hanapin ang mga ito sa panahong gusto kong makapagbasa ng mga makakatas na kataga na may iba’t ibang lasa.  Ito’y katipunan ng mga tula ni Federico Garcia Lorca at mga tulang Europeo.  Sa pagdaan ng panahon, nawala na rin ang mga ito, ngunit naghanap at nagpahanap ako ng libro ni Lorca hindi katagalan pagkaraang mabalitaan ko na siya ay nagbuwis ng buhay.  Pinalad naman ang isang kaibigan na umuwi sa Amerika na nakatagpo ng sipi nito sa bahay ng kanyang ina (wala na raw sa mga tindahan ng libro).  Nasa akin pa ang siping ito hanggang ngayon, nag-uudyok sa akin na sariwain ang mga gunita kay Laurie sa tuwing bubuklatin ko ito.