April 22, 2012


SAGLIT NA GUNITA
SA ISANG
NAMAYAPANG MAKATA

Ito’y saglit na gunita
Pangakong hindi ko iiyakan
Sa habang panahon
Saglit na alaala sa mga umaga
Nang ipinababasa mo ang mga tulang unti-unting
Bumabaklas sa nagdaang kahangalan,
O nang ipinalalanghap ang pulbos ng yeso
Na tila ideyang pulbura sa mukha ng pisara,
Upang sa hapon
Makibahagi sa laksang de goma
Sa nag-iinit na kalsada at gilid ng pabrika.

Batid mong may sanggol sa kunang
kailangan ng haplos,
May kabiyak na muling magtatanong,
May inang ang luha’y rosaryo sa supling,
Ngunit talos mong higit na kailangang
Gupitin ang kuko ng pamahiing
Nakasingkaw sa araro,
Tistisin ang utak na niluto
Sa aparato ng baliw na libro,
At paglinawin ang kaluluwang
Hinalina ng karangyaan.

Ang binhi ng mga bulaklak
Na may nakasusong ugat
Sa dibdib ng aspalto at siwang ng pader,
Ay kailangang ihasik na punlang malusog
Sa puso ng nayon
at bato ng bundok
Upang gawing bandila
Sa isang prusisyon ng pagtutunggali,
Ang santo ay laya
Sa karosang bayan.


Natagpuan kitang
Ang siwang ng mga daliri’y
Uod ang siyang nagsisipaglagos,
Ang ibong panggabi’y naghahapunan
Sa pisnging tuyo na ang dugo,
Subalit ang binhing bumaon sa lupa

ay muling sisibol
Ang mga sanga ay sisiputan
Ng milyong bulaklak.

Ito’y saglit na gunita
Di iyak ang tugon
Sa habang panahon

Sinulat ni Valerio L. Nofuente
Collegian Folio l975-1976