March 23, 2013

Mensahe sa Luksang Parangal para kay Laurie.  Binasa at sinulat ni Felicidad Ramos, pinakabatang kapatid ni Nanay Alicia Morelos noong Abril 2, 1976.


Aking mga kapatid,

Dapat sana'y ang ina ni Laurie ang nasa harap ninyo ngayon, subalit ang aking kapatid ay nagdadalamhati at hindi makakayanan ng kaniyang kalooban ang magsalita sa inyo.  Kaya't ako ngayon ang naghahatid sa inyo, sa ngalan ni Alicia sampu ng buong kamag-anakan ni Wowie, ang walang katapusang pasasalamat sa inyong lahat na nakikihati sa aming kalungkutan at tumulong sa pagsasa-ayos ng bangkay ng aming si Wowie.

Nais kong isiwalat sa inyo ngayon ang isang katangian ni Laurie na sapul sa kanyang pagkabata ay kanya nang taglay - ang pagmamahal sa mahihirap at ang kawalan ng ugaling makasarili.

Nang si Wowie ay nasa mababang paaralan pa lamang may isang ugali siya na hindi maalis sa king ala-ala kailanman.  Sa tuwing magdadapit hapon ay tatayo siya sa bintana sa likod ng bahay at hihintayin ang oras ng pagkain ng mga "squatters."  Tinatanaw niyang pilit ang sistema ng kanilang pagkain, ano ang kanilang ulam, sapat ba ang kanin o inirarasyon lamang?  Ang larawan na kanyang laging nakikita ay mga platong may kanin at platito ng asin.  Araw-araw ay iyan ang kanyang nakikita.  Mananaog na siya at walang sawang itatanong na paulit-ulit sa kanyang ina kung walang magagawa ang sinuman para sa mahihirap na iyon.  "Ano ang ginagawa ng pamahalaan para sa kanila?  Tayo, Nanay, wala ba tayong magagawa para sa kanila?" Iyan ang aming si Wowie!  Ang kanyang puso't kalooban ay nasa mahihirap at ang ginawa niyang pangarap sa buhay ay ang mahango sa karalitaan ang mga kapus-palad na ito.  Si Wowie, na kahit naghahapdi ang tiyan sa gutom ay ibibigay pa rin sa mahirap ang kanyang kakainin ay naririto ngayon at isa ng bangkay.

Subalit ang buhay ni Wowie ay hindi dito natapos.  Ito pa lamang ang simula.  Kung magiging makahulugan ang kanyang buhay ay walang makapagsasabi.  Ang nalalaman ko lamang ay ito...ang makapagbibigay ng kulay sa kanyang buhay ay tayo.  Ang pinasimulan ni Wowie ay ang pag-alay ng kanyang buhay sa kapakanan ng mahihirap na mayroon ding karapatang lumigaya sa buhay.  At yamang nasa ating mga kamay  ang katuparan ng mithiing ito ni Laurie, ako ngayon ay nakikiusap sa inyong lahat na huwag kayong maging maramot sa pag-ambag ng tulong upang huwag masayang ang pasimulang ibinigay sa atin ni Laurie.

No comments:

Post a Comment