March 3, 2013

WALANG PUWANG ANG HINAGPIS
ni Joey C. Papa

Marami akong hinangaang mga kapwa aktibista noong mga una at huling mga dekada ng ’69 at ‘70 at ang isa sa kanila ay si Lory Barros, naging tagapangulo ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA.

Hanggang ngayon ay buong-buo pa ang mukha at ang buong katauhan ni Lory sa aking isipan. Hindi maiaalis sa alaala ko ang masayahing mukha niya na waring laging may nakahandang ngiti sa mga kapwa aktibista at maging sa mamamayang pinag-alayan niya ng kanyang buhay hanggang sa huling sandali ng kanyang pakikibaka laban sa mga sumusupil sa karapatan ng mamamayang Pilipino.

Ang mga ngiti ni Lory sa oras ng mga krisis o kagipitan ay hindi nawawala at lagi siyang kinakitaan noon ng matibay na paninindigan sa pagharap sa anumang uri ng pagsubok.

Maraming pagkakataon na nakita kong nananatiling buo ang kalooban ni Lory sa mga gipit na pagkakataon. Sa loob ng Fort Bonifacio na kung saan nagkasama kami bilang mga bilanggong pulitikal, ipinamalas niya ang katatagan noong nalaman niyang nadakip ang asawa niyang si Mon Sanchez.

Pinahihirapan daw si Mon, kuwento niya sa ‘kin. Pinipilit daw sumanib si Mon sa mga sundalong militar at kung anu-ano pang mga balitaang nakarating kay Lory. Waring ‘di pinansin ‘yon ni Lory. Ngunit sa mga pag-uusap namin, naramdaman ko rin ang kalungkutan na pilit niyang ibinabaling sa rebolusyonaryong katatagan. Nalagpasan niya ang krisis na ‘yon hanggang sa isa siya sa mga tumakas na Bilanggong Politikal (BP) mula sa pakakapiit sa Ipil Detention Camp sa Fort Bonifacio noong l974.

Dahil sa pagtakas na naganap, naghigpit ang administrasyon ng mga sundalo at naapektuhan ang mga pagdalaw ng mga pamilya ng mga bilanggong pulitikal.

Sa isang yugto ng aming pagkakapiit, naglunsad ang mga bilanggong pulitikal ng isang hunger strike sa loob ng detention camp. Isa si Lory sa mga nagbigay ng mahusay na pamumuno upang hindi bumaba ang moral ng mga BP. Hindi pinapapasok ang mga dalaw namin. Ibig sabihi’y pati ang mga pagkain at pangangailangan ng mga bilanggo ay hindi pinapayagang makapasok sa loob ng bilangguan. May ilang bilanggong pulitikal ang agad na pinanghinaan ng loob at nagpasyang tumiwalag sa hunger strike. Ngunit ang mayorya ng mga BP ay nanatiling naninindigan sa inilunsad na welga.

Maliwang ang sinabi noon ni Lory. “Nakakulong na tayo. Nakatikim ng pagmamalupit, tortyur, paglapastangan, at pagkakait ng mga karapatang pantao. Ikinulong na tayo, pinahihirapan pa rin tayo. Kaya walang mawawala sa ‘tin kung lalaban tayo ngayon sa pamamagitan ng hunger strike.”

Dahil sa mga salitang ‘yon, maraming mga bilanggong tumiwalag at humiwalay sa strike ang muling lumahok at nagpatuloy sa welga nang may panibagong katatagan.

Sa loob din ng Ipil, mahusay na niliwanag ni Lory na ang bawat isang aktibistang bayan ay kailangang pagsumikapang pag-aralan ang pagsasalita ng mahusay at maliwanag sa harap ng masa. Sinabi niya ito sa harap noon ng tagumpay ng mga pagtatanghal pangkultura at katatapos na timpalak bigkasan sa loob mismo ng bilangguan. Sa kanyang karanasan, marami pa ring mga aktibista aniya ang nananatiling tahimik kung kaharap ang masa lalo na sa mga lalawigan. Sa madaling salita, kailangang maging isang manggagawang pangkultura o “artista” rin ng bayan o alagad ng sining ang mga aktibista ng sambayanan.

May pagtatanghal naman noon sa UP ang Tanghalang Bayan, isang grupong pangkultura na kinabibilangan ng mga kabataang taga-Tundo at dito’y nasaksihan ko ang kahandaan ni Lory sa pagtulong sa mga kasama sa dulaang nabanggit. Kinailangang may maghampas ng kahoy sa sahig para magsilbing tunog ito ng putok ng baril dahil kinulang ang mga tauhan ng dula. Simbilis ng kidlat na kinuha ni Lory ang kahoy at inihampas niya ito sa sahig.

Laking tuwa ng mga kasapi ng Tanghalang Bayan. Natutuwa ako dahil nakita ko si Lory na masayang-masaya, tumatawa, na siya’y nakalahok din daw sa isang pagtatanghal kahit tagahampas lang daw ng kahoy. Mula noon ay naging malapit si Lory sa mga kasapi ng nabanggit na tanghalan.

Hindi mahalaga kay Lory kung siya man no’n ay Tagapangulo ng Makibaka o isang pangkaraniwang kasapi lamang. Ipinakita niya ang halaga ng kolektibong pakikilahok sa anumang pagkilos, ikaw man ay baguhan o beterano, o kaya’y pinuno o lider. Walang malaki at maliit na gawain para sa isang tunay na aktibista ng bayan.

Noong naganap naman ang Diliman Commune, isang kilos protesta ng mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP) laban sa administrasyon ng unibersidad, “sinakop” ng mga mag-aaral ang kabuuan ng UP at isa si Lory sa mga nangungunang lider sa pagkilos na ito. Nakalulungkot na kasabay ng pagkilos na ito ay ang pagkamatay ni Felix Rivera sa isang pakikibaka sa isang lalawigan sa Hilagang Luson. Habang nagpupulong kami sa unang palapag ng Vinzon’s Hall, napansin kong nagmamadaling umakyat si Lory sa itaas ng gusali. Pagbaba niya ay halatang namumugto ang kanyang mga mata. Napag-alaman ko pagkaraan na nasawi ang kanyang kasintahang si Felix. Nilapitan ko siya upang makiramay ngunit hindi pa ‘ko nakapagsasalita ay tinapik na niya ‘ko sa balikat at nakangiting sinabi na bumalik na kami sa puwestong aming binabantayan.

Laging nagingibabaw kay Lory ang kapakanan ng bayan. Ikalawa lamang sa kanya ang pansarili niyang interes. Walang puwang ang hinagpis kay Lory. At maraming mga nakipaglaban noon sa kalayaan ng bayan ang “nahawahan” ng ganitong katatagan ni Lory.

Kaya maaari akong tawaging isang Loryista. ####



Tungkol sa may akda:  
Joey Papa, who wrote the piece is a Carlos Palanca awardee for full length play, first and third prizes; author and creator of Batibot, the stage play; story and screen play writer; TV/Video documentary writer and director and currently President of Bangon Kalikasan Movement.



No comments:

Post a Comment